PNP: Emergency alert sa iskul ikakalat
MANILA, Philippines — Plano ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng nationwide emergency alert system para mapabilis ang pag-uulat, koordinasyon at pagtugon sa mga insidente kasunod ng sunud-sunod na pamamaril sa mga paaralan.
Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nais ng PNP na palawakin ang B.E.S.T. (Build Partnership. Early Detection. Swift Alert. Tactical Response) School Alert and Rapid Response System na binuo ng Police Regional Office 4A (Calabarzon).
Layunin ng sistema na mapadali ang agarang pag-uulat at pagbabahagi ng impormasyon sa pagitan ng mga paaralan, pulisya at iba pang concerned agencies kapag may emergency o security incident.
Sa ilalim ng pilot implementation sa Calabarzon, nasa 155 paaralan ang nakatakdang gumamit ng aplikasyon bilang bahagi ng organisadong alert at response mechanism.
Sinabi ni Nartatez na mahalaga ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang mapahusay ang kakayahan ng mga awtoridad na tumugon sa mga nagbabagong banta sa seguridad sa mga paaralan.
Tinitingnan din ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa karagdagang pagpapaunlad at pagpapanatili ng platform sakaling palawakin ito sa buong bansa.
Ang hakbang ay bahagi ng mga pagsisikap na palakasin ang public safety at emergency preparedness sa mga paaralan kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan.
Ngayong taon, tatlong pamamaril sa mga paaralan ang nangyari - San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ikinasawi ng 3 katao, Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18 na ikinamatay ng 2 katao at Setyembre 18 sa Banga National High School sa South Cotabato na 3 ang namatay.
- Latest

















