P6.4 bilyong BARMM funds, pinabubusisi ng Kamara
MANILA, Philippines — Muling nanawagan ang mga mambabatas sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng forensic audit sa pamamahagi ng P6.4 bilyong Local Government Support Fund (LGSF) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Batay sa ulat ng House Committee on Public Accounts, may mga LGU at barangay na nakatanggap ng pondo dahil sa ugnayan sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP), ang political party ng MILF.
Ayon kay Rep. Zia Alonto Adiong, mahigit 400 barangay ang nakatanggap ng P500,000 hanggang P2.5 milyon, ngunit may ulat na pinabawi umano ang malaking bahagi ng pondong ito para sa “special operations.” Binanggit din ni Deputy Minority Leader Mujiv Hataman ang hindi pagdalo ng ilang opisyal ng BARMM sa mga pagdinig.
Sa Committee Report No. 1502, inirekomenda ang mas malalim na pagsusuri sa daloy ng pondo, disbursement records, at proyekto upang matukoy kung may nalabag na batas. Iginiit ng komite na hindi sapat ang karaniwang audit procedures.
Itinanggi naman ni BARMM Spokesperson Mohd Asnin Pendatun ang alegasyon, at sinabing nakabatay ang paglalabas ng pondo sa kahilingan ng LGU at kumpletong dokumentasyon.
Halos isang taon matapos ang panawagan ng Kamara, nananatiling hindi malinaw kung natapos na o sinimulan ng COA ang imbestigasyon sa P6.4 bilyong LGSF.
- Latest






















