Basura puwedeng gawing materyales pang-construction
MANILA, Philippines - Puwedeng gawing materyales pang-construction ang basurang hindi na maaaring maresiklo, ayon sa National Solid Waste Management Commission.
Sa programang Talking Points na ginanap sa Philippine Information Agency, sinabi ni executive director Emy Aguinaldo na ginagawa nang mga “hallow block” at “floor tile” sa ilang bahagi ng Metro Manila ang ilang panapon na nakokolekta ng mga barangay.
Ani Aguinaldo, malaking tulong ito hindi lamang upang mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran, kundi para makapaghatid din ng kita sa mga residente ng komunidad.
Aniya, hindi magkukulang sa raw materials ang mga magnanais sumubok sa ganitong negosyo dahil sa Metro Manila pa lamang ay umaabot na sa 8,500 toneladang basura ang nakokolekta araw-araw, kung saan mga kalahati rito ang nabubulok o “biodegradable” tulad ng pagkain at dumi ng hayop; 17 porsyento ang papel; 16 porsyento ang plastic at ang natira ay mga hindi na magagamit pang bakal, ceramic, goma at leather.
Sa ngayon, sinabi ng opisyal na tuloy-tuloy ang pagtuturo ng kanilang ahensya ng iba’t ibang teknolohiya at pamamaraan sa mga barangay upang higit na mapakinabangan at mapagkakitaan ang basura alinsunod sa Zero Waste Management program ni Pangulong Aquino.
- Latest
- Trending