Palparan napigilan sa 'pagtakas'
MANILA, Philippines - Tinangka umano ngayong umaga ni retired M/Gen. Jovito Palparan na umalis ng bansa, sa gitna ng kinakaharap nitong kaso ng kidnapping at serious illegal detention, ayon kay Presidential Communications Sec. Ricky Carandang.
Inihayag ni Sec. Carandang, na lulan na ng SeaAir sa Diosdado Macapagal International Airport ang kontrobersiyal na former military official nang ipag-utos ng mga immigration officers ang paglabas nito sa eroplano.
Bagama’t napaso na ang watchlist order laban kay Palparan, subalit wala pa umanong natatanggap na direktiba ang Bureau of Immigration na ito ay binabawi.
Si Palparan ay kinasuhan ng DoJ kaugnay sa pagdukot sa dalawang University of the Philippines students na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno noong 2006.
Noong nakaraang linggo, hiniling ng isang human rights group sa Department of Justice na mapasailalim sa hold departure order si Palparan.
Iginiit ng grupong Karapatan na dapat madagdagan ng HDO ang dating military official para matiyak na hindi ito makatakas.
Samantala, nais naman nina Bayan Muna Reps. Teddy Casiño at Neri Colmenares, na maglabas ang korte ng ‘warrant of arrest’ laban kay dating Maj. Gen. Jovito Palparan, tinaguriang ‘Berdugo’ at iba pang mga kasamahan nito sa iba’t ibang mga kasong kinakaharap nila dahil muntik nang takasan ng una ang mga pamilya ng biktima na inaagrabiyado ng una.
Nagpapasalamat sina Casiño at Colmenares sa mabilis na aksyong ginawa ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa pagpigil kay Palparan sa gagawin umanong pagtakas nito sakay ng eroplanong SeaAir flight DG 7792 papuntang Singapore.
- Latest
- Trending