NAT ibibigay ng DepEd sa mga 4th year HS students
MANILA, Philippines - Magkakaroon ng ilang pagbabago sa pagdaraos ng taunang National Achievement Test (NAT) na isasagawa ng Department of Education (DepEd) sa buwan ng Marso ng susunod na taon.
Ayon kay Dr. Nelia Benito ng National Education Testing and Research Center (NETRC) ng Department of Education (DepEd), sa halip na sa mga second year high school students, tulad ng nakagawian, ang NAT sa susunod na taon ay ipagkakaloob sa mga fourth year high school students, bilang paghahanda sa pagsasa-ayos sa basic education curriculum o K plus 12 program ng pamahalaan.
“In next year’s NAT, fourth year high school students will take the exam to give us feedback on the students’ knowledge gain after the ten-year basic education cycle. The result will also be used as input for the K to 12 program,” paliwanag ni Benito.
Bibigyan rin ng NAT ang mga Grade 3 pupils sa mga public schools, Madrasah schools at pilot schools ng mother tongue-based multi-lingual education.
Samantala, magdaraos ang DepEd ng pre-NAT seminar workshop upang itakda ang mga panuntunan sa pagdaraos ng NAT at upang matiyak ang seguridad ng mga test materials.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, ang naturang seminar ay dadaluhan ng mga division testing coordinators at mga pribadong school supervisors para sa maayos na pagdaraos ng pagsusulit at mabantayan ang integridad nito.
Ang NAT ay ipinagkakaloob sa pagtatapos ng bawat school year upang masukat ang academic performance sa mga pangunahing asignatura ng elementary at secondary students sa public at private schools.
- Latest
- Trending