Sasakyang gamit ng judge kinuwestiyon
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ng isang malaking non-government organization ang mamahaling sasakyang ginagamit umano ng Pasay Regional Trial Court judge na may hawak ng kaso ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Balikatan People’s Alliance chairman Louie Balbago, mayroon umanong ulat na ang itim na Suburban na may plakang ZSL-286 na ginagamit umano ni Judge Jesus Mupas ay nakapangalan daw sa Viking Haulers Inc, ng Diliman, Quezon City.
“Ayon sa Land Transportation Office, ang Suburban ay nakarehistro sa pangalan ng Viking Haulers. Ang pinakabagong rehistro ng naturang sasakyan ay isinagawa noon lamang nakaraang Hunyo 8 at nagkakahalaga ng P3,229.06,” pahayag ni Balbago.
Nabatid na inindorso na ng Department of Justice (DOJ) ang kasong criminal laban kina Viking president Reynaldo Pazcougin at vice president Rodelito Blag, kasama na ang dalawang Customs examiners dahil sa umano’y pandaraya sa duties and taxes na nagkakahalaga ng P68.48 milyon.
Kinuwestiyon din ng grupo kung paano nakabili ng Suburban ang hukom na nagkakahalaga ng P4 milyon kung pagbabasehan lang ang kanyang suweldo.
- Latest
- Trending