Deployment ng babaeng OFW planong limitahan ng POEA
MANILA, Philippines - Plano ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na limitahan ang pagpapadala ng mga babaeng overseas Filipino workers (OFWs) sa ibang bansa dahil mas madalas umano silang mabiktima ng pagmaltrato ng kanilang mga amo.
Ayon kay POEA administrator Carlos Cao, nakatanggap sila ng maraming kaso ng mga kababaihan na nakakaranas ng pagmamaltrato sa ibang bansa.
Dahil dito, pinag-aaralan na umano nila na limitahan o huwag nang payagan ang mga babaeng OFW, partikular ang mga domestic helpers, na magtrabaho sa ibang bansa lalo na kung maliit lang din naman ang kanilang kikitain doon. Sinabi ni Cao na marami namang trabaho sa Pilipinas na maaring pasukan ng mga kababaihan.
Ang nagiging problema lang aniyang madalas ay ang labor mismatch o trabahong hindi akma sa kanilang kakayahan. Sa kabila nito, kumikilos naman ang POEA katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magkaroon ng tamang trabaho para sa mga babae.
- Latest
- Trending