Gloria mananatili pa ring kongresista
MANILA, Philippines - Mananatili pa rin sa kanyang puwesto bilang kongresista si Pampanga Rep. Gloria Arroyo kahit na hindi ito makapunta sa Kamara dahil sa kanyang warrant of arrest.
Sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr., sa ngayon umano ay wala siyang nakikitang dapat na pagbabago kaya mananatili pa rin umano ang dating pangulo bilang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Paliwanag naman ni House Majority leader Neptali Gonzales, makukuha pa rin ni Arroyo ang mga pribilehiyo at karapatan ng ibang miyembro ng Kamara kahit na naka hospital arrest ito subalit ang kaibahan lamang umano ay hindi ito makakadalo sa mga sesyon sa Kamara. Ani Gonzales, kahit na matulad ang kapalaran ni Arroyo kay dating Pangulong Joseph Estrada na nagsilbi ng anim na taon sa kanyang rest house sa Tanay, Rizal habang naghihintay ng desisyon mula sa Sandiganbayan dahil sa kasong plunder, ay mananatili sa House roster si Arroyo.
At ipagpalagay na totoo ang electoral sabotage laban kay Arroyo, hindi pa rin anya ito magagamit upang mapatalsik sa Kamara dahil nangyari ang naturang insidente bago siya maging mambabatas.
Para kay Akbayan party list Rep. Walden Bello, dapat na mapatalsik sa Kamara si Arroyo dahil walang katiyakan kung kailan ito babalik at nangangailangan ang distrito nito ng nagtatrabahong mambabatas.
Isinusulong din ng mambabatas ang special election para sa papalit dito.
Nanawagan din si Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño na ibahagi na ang committee membership ni Arroyo sa ibang mambabatas dahil sa inaasahang mahabang pagliban nito bunsod sa kanyang pagkakaaresto.
Kabilang sa mga komite na kinabibilangan ni Arroyo ang appropriations, economic affairs, foreign affairs, globalization, higher and technical education, national defense and security, veterans affairs and welfare, ways and means, at women and gender equality.
- Latest
- Trending