Ebidensiya na hindi babalik si GMA ipakita!
MANILA, Philippines - Hinamon ng kampo ng mga Arroyo si Justice Secretary Leila de Lima na maglabas ito ng solidong basehan na baka hindi na bumalik si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung papayagan itong magpagamot sa ibang bansa.
Ayon kay Atty. Jesus Santos, miyembro ng legal team ni dating First Gentleman Mike Arroyo, mistulang sentensiyado na ng husgado si Gng. Arroyo kung tratuhin ni de Lima sa paglabag nito sa kaniyang mga karapatang pantao tulad ng paglalakbay at pagpapagamot.
Nagtataka si Santos kung bakit hinaharang ni de Lima ang isang taong may karamdaman na gustong magpagamot gayong labag umano ito sa Konstitusyon.
Ipinunto rin ni Santos na wala pa namang kasong naisasampa laban sa dating pangulo na sinusunod ang lahat ng proseso at mga requirements na kanilang hiningi.
Tila nalilimutan umano ni de Lima na ang asawa, mga anak at apo ni Gng. Arroyo ay nandito sa Pilipinas at isa itong halal na congresswoman ng Pampanga.
Kaya’t isa umanong malaking kalokohan para ipagpilitan pa ring hindi na babalik si Gng. Arroyo at dapat ay maglabas ng solidong basehan kung hindi na ito babalik kung papayagan itong magpagamot sa ibang bansa.
- Latest
- Trending





















