Pag-'abroad' ni Arroyo okay sa kampo ni Danding
MANILA, Philippines - Pabor ang partido ni dating Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. na tiyuhin ni Pangulong Benigno Aquino III na payagang makalabas ng bansa si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo para magpagamot para sa humanitarian reason.
Ang Nationalist Peoples Coalition na partido ni Danding Cojuangco ay hindi tutol na makalabas ng bansa si Arroyo para magpagamot, ayon kay Valenzuela City Rep. Rex Gatchalian, tagapagsalita ng NPC.
Sinabi pa ni Gatchalian na ang pagpigil na makalabas ng bansa si Arroyo sa ganitong kritikal na sitwasyon ay maglalagay lamang sa masamang imahe sa Aquino government.
Aniya, dapat ay paniwalaan ng Malacañang ang binitiwang pangako ni Mrs. Arroyo na babalik ito ng bansa matapos siyang magpagamot at hindi ito magtatago para takasan ang kanyang mga kaso.
Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na dapat hintayin na lamang ang magiging desisyon ni Justice Secretary Leila de Lima kaugnay sa kahilingan ng dating pangulo na makalabas ng bansa at mabigyan siya ng Allow Departure Order ng DOJ.
- Latest
- Trending