Teacher's Day nais gawing holiday
MANILA, Philippines - Madadagdagan na naman ang special non-working public holiday sa sandaling maging isang ganap na batas ang panukalang isinusulong sa Senado na naglalayong ideklara ang Oktubre 5 ng bawat taon bilang National Teacher’s Day.
Pumasa na sa committee level sa Senado ang panukala na nakatakdang ipagtanggol sa plenaryo ni Senator Edgardo Angara.
Ayon kay Angara, chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture, kulang ang ginagawang pagkilala sa mga guro sa buong bansa sa kabila ng napakalaki nilang ginagawa sa paghubog ng mga kabataan.
“There is a gross lack of recognition being given to teachers all over the country. Their contribution to teaching and training our children is invaluable. It’s time we did something for them in turn,” ani Angara.
Layunin din ng panukala na bigyan ng special discounts ang lahat ng mga guro sa mga pampubliko at pribadong institusyon sa unang Biyernes, Sabado at Linggo ng Oktubre taun-taon.
Nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng discounts sa mga lodging at recreation establishments, sinehan at maging sa domestic fares.
Maari ring magbigay ng Teachers’ Day Bonuses ang mga local government units (LGUs), school boards at SCUs.
Aatasan din ang Department of Education (DepEd) at ang Commission on Higher Education (CHED) na magbigay ng mga rewards at incentives sa mga outstanding teachers sa public at private schools.
“Teaching is often a thankless profession. It is only fitting that they receive incentives for their outstanding performance. After all, it is the country that ultimately benefits from having good teachers who educate our youth and future workforce,” ani Angara.
- Latest
- Trending