Bangkay ni Gadhafi 'tourist attraction' sa Libya
MANILA, Philippines - Nagmistula umanong “tourist attraction” ang bangkay ni dating Libyan President Moammar Gadhafi at anak na si Mutassim matapos buksan sa publiko upang masilip ang nakalagak na mga labi nito sa Misrata, Libya.
Pinipilahan ng mamamayan ng Libya at pinapayagang masilip at makunan ng larawan ang bangkay ni Gadhafi at anak habang nasa loob ng isang cold storage.
Base sa report, ang labi ni Gadhafi ay inilagak pansamantala sa loob ng isang freezer na pinaglalagyan ng gulay at prutas sa isang shopping mall sa Misrata habang ang mga labi ng anak ay naka-display naman sa isang bahay sa nasabi ring lungsod.
Gayunman, mahigpit na binabantayan ng NTC troops ang mga labi ng mag-amang Gadhafi at limitado ang taong pinapapasok sa loob upang masilip ang mga ito.
Nanawagan naman ang mga kaanak ni Gadhafi sa National Transition Council (NTC) na ipasa sa kanila ang bangkay ng mag-ama at ibang mga kapanalig nito na napaslang sa bakbakan upang mabigyan sila nang maayos na libing na naayon sa Islam rites.
Sa tradisyon ng Islam o mga kapatid na Muslim, isang araw lamang dapat ang itinatagal ng bangkay na nakalagak at kailangan mailibing na ito.
Nais ng International Criminal Court na maimbestigahan ang pagkamatay ni Gadhafi matapos na lumabas sa mga video footages na buhay pa ito nang maaresto o makuha ng mga rebelde at ilang oras lamang ay ipinakikita uli sa video na nakahandusay na ito at patay na.
Sa ulat ng CNN, nanawagan din ang United Nations at dalawang human rights groups na maimbestigahan ng UN High Commissioner for Human Rights ang pagkasawi ni Gadhafi dahil sa iba-ibang bersyon ng pagkakapaslang dito.
Lumalabas na apat o limang bersyon umano ang dahilan ng pagkamatay ng dating Libyan president kaya nagkakaroon ng pagdududa sa tunay na dahilan ng pagkamatay nito na dapat umanong masagot upang mapatunayan na sadyang napatay ito sa labanan o matapos na maaresto ng mga rebelde.
Hiniling din ng pamilya Gadhafi sa UN and Amnesty International na isulong na ang pagkakaroon ng bagong gobyerno sa Libya na siyang kukuha sa katawan ng Libyan president upang mailibing ayon sa sinusunod ng Islam.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang matukoy ang interim national government kung sino ang triggerman o bumaril sa ulo at tiyan ni Gadhafi dahilan ng pagkasawi nito.
Ayon naman kay Information Minister Mahmoud Shamman, pinag-uusapan pa nila kung saang magandang lugar dapat ilibing si Gadhafi sa hindi pa mabatid na petsa.
Sinasabing ilalagak muna ng ilang araw ang bangkay ni Gadhafi bago magpasya kung saan ito ililibing.
Samantala, sa loob umano ng walong buwan matapos na tuluyang makamit ang kalayaan sa Libya ay sinasabing magdaraos ng halalan sa Libya upang mailuklok ang kanilang bagong pamahalaan.
- Latest
- Trending