MILF umupak pa: 9 patay, 11 sugatan
MANILA, Philippines - Hindi pa man nabibigyan ng hustisya ang pagmasaker sa 19 sundalo sa Basilan, muli na namang umatake ang mga hinihinalang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at siyam katao ang napatay kabilang ang limang sibilyan sa magkakahiwalay na pananambang sa bayan ng Sumisip, Basilan at Lanao del Norte kahapon.
Sa inisyal na ulat ni Deputy Army Public Affairs Major Harold Cabunoc, naganap ang unang ambush sa may Sitio Along Along, pagitan ng Brgy. Upper Cabengbeng at Brgy. Sapah Bulak, Sumisip, Basilan ganap na alas-5:30 ng umaga.
Dito ay limang trabahador ng isang rubber plantation at isang miyembro ng Cafgu ang patay habang walo pa ang sugatan.
Batay sa inisyal na report, nangyari ang ambush habang patungo umano ang mga biktima sa plantasyon sa Sitio Along-Along ng tambangan ng may 40 rebeldeng MILF na pinamumunuan ni Hassan Asnawi.
Samantala, tatlong sundalo ang nasawi habang tatlo rin ang sugatan sa pananambang sa may bahagi ng Parang Road, sakop ng Brgy. Sultan Naga Demaforo, Lanao del Norte ganap na alas-11 ng umaga.
Bago ang ambush, sinasabing bibisitahin sana ng tropa ni Lt. Gaerlan Bagnus ang isang platoon ng 104th Brigade ng Army nang biglang ratratin sila ng mga rebeldeng MILF.
Nagkaroon ng maikling palitan ng putok hanggang sa tatlong sundalo ang bumulagta.
Nagpadala na ng karagdagang puwersa ang Philippine Army sa naturang lugar bilang reinforcement.
Wala pang pagkakakilanlan ang mga nasawing sundalo habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng militar.
Ito na ang ikaapat na pag-atake ng MILF matapos ang madugong engkuwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Army kontra sa nagsanib puwersang Abu Sayyaf/MILF sa Al Barka, Basilan.
Sinundan ito ng panibagong labanan sa Zamboanga na ikinasawi ng 5 sundalo at 3 pulis.
- Latest
- Trending