Anti-mining groups kinastigo ng paring Heswita
MANILA, Philippines - Nanawagan ang Heswitang si Rev. Fr. Emeterio Barcelon sa mga grupong kontra sa pagmimina na iwasan ang maramdaming argumento at isipin ang nasusustenahang ekonomiya sa paghahayag ng kanilang mga sentimyento.
“Sinasabi nilang makabayan sila kaya kailangang pag-aari ng mga Pilipino ang mga kompanya sa pagmimina. Kung mangyayari ‘yun, tanging ang nangungunang 100 mayayamang pamilyang Pilipino ang magkakaroon ng pribilehiyo at pagiging makabayan ba ‘yun?” giit ni Fr. Barcelon.
Ani Barcelon, sa lubos na pagpapaunlad ng industriya ng pagmimina ay makalilikha ng trabaho at oportunidad sa kabuhayan para sa lahat, hindi lamang sa iilang mayayamang kapitalistang Pilipino.
Reaksiyon ito sa mga panawagan, lalo ng Akbayan Party List, na nais mawala ang Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) na nagkakaloob ng 60% control sa mga kompanya sa pagmimina ang mga dayuhan. Iginiit ng mga grupong kontra sa pagmimina na ang FTAA ay balatkayo upang maging pag-aari ng mga dayuhan ang mga kompanya sa pagmimina at mahadlangan ang mga Pilipino na matamasa ang kanilang sariling depositong mineral.
Kinondena rin ni Barcelon ang mga pahayag ng anti-mining groups na ang open-pit mining ang pinakamapanirang paraan ng pagmimina.
“Masyado lang nilang pinananaig ang kanilang mga emosyon; ang totoo, ang open-pit method ay pinakaligtas na paraan sa pagmimina,” ani Barcelon.
Naging presidente si Barcelon ng Ateneo de Davao University nang mag-boom ang pagmimina sa Diwalwal, Compostela Valley at naging opisyal ng Benguet Management board.
- Latest
- Trending