10 Pinoy seamen na dinukot sa Oman, pinalaya na
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pinakawalan na ng mga pirata ang may 10 tripulanteng Pinoy na kabilang sa 23 crew na dinukot matapos na i-hijack ang kanilang sinasakyang cargo vessel sa Arabian Sea sa Oman, mahigit pitong buwan na ang nakalilipas.
Sa report ng tinanggap ng DFA sa manning agency ng mga tripulante, pinalaya noong Setyembre 30, 2011 ang mga Pinoy kasama ang tatlong Romanian at isang Russian lulan ng Panamanian flagged at Greek owned vessel.
Sa lumalabas na artikulo on line Somalia Report, pinalaya umano ang mga crew matapos na makapagbigay ng may $3.8 milyong ransom sa mga pirata.
Ang bulk cargo carrier MV Dover ay inatake ng mga pirata noong Pebrero 28, 2011, may 260 nautical miles sa northeast ng Salalah sa North Arabian Sea habang patungo sa Saleef, Yemen mula sa Port Quasim, Pakistan.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, ang nasabing barko ay nakarating na sa Salalah, Oman at lahat ng crew members ay agad na ipinasailalim sa medical checkup at debrieing.
Inaayos na ang pag-uwi ng mga Pinoy seaman sa bansa mula Oman habang na-impormahan na umano ang kani-kanilang pamilya sa nasabing pagpapalaya.
Hindi naman kinumpirma ng DFA ang pagbibigay ng ransom sa mga abductors kapalit ng kalayaan ng mga bihag.
- Latest
- Trending