MBC National Choral Competition
MANILA, Philippines - Nakamit ng St. Mary’s University sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang kampeonato sa Region 2 ng 2011 MBC National Choral Competition, samantalang nagwagi naman muli ang University of San Agustin Troubadours sa Region 6 at ang University of the Visayas sa Region 7. Pinatunayan ng SMU na kahit baguhang grupo sila ay matinding labanan ang maaasahan sa darating na national championships na gaganapin sa Disyembre 5-9. Sister school ng SMU ang defending champion na St. Louis University ng Baguio. Tatlo pang grupo ang pumasok sa semifinals mula sa regional elimination na ginanap sa Cauayan, Isabela sa ilalim ng pamamahala ng DWYE 89.7 Hot Fm. Kabilang dito ang Philippine Normal University sa Alicia, ang Isabela State University sa Ilagan at ang Nueva Vizcaya State University.
Ang USA Troubadours ay muling tinalbugan ang Kinaadman Chorale ng John B. Lacson Foundation Maritime University. Subalit dahil sa napakaliit na lamang nito, qualified din ang JBLFMU para sa national contest sa Disyembre, ayon na rin sa namahalang DYMB 97.5 Love Radio Iloilo. Tinalbugan nang husto ng University of the Visayas Chorale ang kanilang mga kalaban mula Lahug, Talisay, Mandaue at Basak. Hindi naman kalayuan ang score ng Cebu Normal University na papasok rin sa semifinals. Sa children’s category naman, nagwagi ang San Nicolas Elementary School sa kauna-unahang regional competition na pambata.
Ang mga susunod na regional championships ay gaganapin sa Davao at Naga. Magkakaroon din ng karagdagang audition sa Provincial Training and Development Center sa Lingayen, Pangasinan sa Oktubre 1, at sa Star Theater, Pasay City sa ika-15 at 16 ng Oktubre.
- Latest
- Trending