Judge kulong ng 27 yrs.
MANILA, Philippines - Isang dating judge ang hinatulang makulong ng 27 taon dahil sa tatlong kaso ng katiwalian.
Sa desisyon ng Sandiganbayan Special Second Division, napatunayan na guilty si dating Regional Trial Court Judge Valentino Tablang ng Tacurong Sultan Kudarat sa umano’y paghingi at pagtanggap nito ng pera sa isang akusado na hinawakan nito.
Sa reklamo kay Tablang na nag-umpisa pa noong 1993, sinasabing nagpagasolina ito ng kanyang sasakyan sa isang local gasoline station sa Tacurong sa loob ng 9 na buwan nang hindi nagbabayad dahil ang may-ari ng gasolinahan ay may kaso sa kanyang sala.
Sa hiwalay na kaso, nangikil umano si Tablang ng P12,500 mula sa isang litigant kapalit ng pag-alis ng injunction sa pagtatayo ng isang gusali.
Ang ikatlong count ng graft nito ay kaugnay naman ng pangungupit ng P40,000 mula sa pondong nasa custody niya dahil sa isang pending na kaso.
Umapela naman ng mas mababang sentensiya si Tablang sa Sandiganbayan dahil sa may edad na ito at na-disbar na din anya siya ng Korte Suprema, pero hindi siya pinagbigyan ng Korte.
- Latest
- Trending