Walang Pinoy na nadamay sa pag-atake sa Israel embassy sa Egypt - DFA
MANILA, Philippines - Muli na namang sumiklab ang matinding karahasan sa Egypt matapos na pasukin at atakihin ng libu-libong mga demonstrador ang mismong Embahada ng Israel sa Cairo na ikinasawi ng anim katao habang 1,300 pa ang sugatan kabilang ang nagrespondeng 300 Egyptian police.
Gayunman, iniulat kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Filipino community sa lugar ay walang Pinoy ang nasugatan o nadamay sa panibagong karahasan na inabot ng halos magdamag noong Sabado.
May 6,000 Pinoy ang tinatayang naiwan sa Egypt matapos unang sumiklab ang kaguluhan sa nasabing bansa noong Enero, 2011 na naglalayong patalsikin si Egypt President Hosni Mubarak.
Tinawag naman ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang “mob attack” sa kanilang Embahada sa Egypt na isang seryosong insidente na maaaring magkalamat sa relasyong Israel at Egypt.
Mabilis na tumakas si Israeli Ambassador Yitzhak Levanon at kanyang pamilya upang iligtas ang mga sarili habang pilit na hinugot at sinagip ng mga sugatang Egyptian Police ang anim na embassy staff na naiwan sa loob nang pasukin ng mga nagwawalang demonstrador ang embahada.
Nagawang wasakin ng mga protesters na may mga dalang martilyo at ibat ibang armas ang security wall o bakod ng embahada at inalis ang bandila ng Israel habang pinasok pa ang mga tanggapan at pinagsisira ang mga dokumento dito.
Sinabi ng Israeli government na ito ang kauna-unahang bayolenteng pag-atake sa kanila simula nang itatag ang kanilang mission sa Egypt matapos na maging kauna-unahang Arab country na lumagda sa peace treaty sa pagitan ng Jewish state noong 1979.
- Latest
- Trending