4 PNP officers masisibak sa pagbili ng 16 depektibong bangka - DILG
MANILA, Philippines - Apat na opisyal ng Philippine National Police ang nahaharap sa pagkakasibak sa puwesto dahil sa umano’y iregular na pagkuha ng 16 depektibong motorized banca na nagkakahalaga ng P4.9 million para sa PNP-Maritime Group.
Kinilala ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang mga opisyales na sina Supt. Job F. Marasigan, Supt. Leodegario B. Bisaya, Juanito G. Estrebor at Chief Insp. Renelfa L. Saculles pawang ng Logistics Support Service’s Inspection and Acceptance Committee (LSS-IAC).
Base sa investigation report na may petsang August 5, 2011 na isinumite kay Robredo ni PNP chief Gen. Raul Bacalzo, ang 16 PCCs ay idineliber ng supplier na Four Metals Trading noong March 10, 2010, subalit nakita ng PNP-MG ang ilang depekto ng mga bangka na hindi naitama ng supplier kahit paulit-ulit na hiniling ito.
Giit ng kalihim, kahit hindi nalalaman ng PNP-MG officials, nagagawang makulekta ng Four Metals Trading ang contract price base sa inspection report na inihanda ng apat na LSS IAC officers.
Naglalabas umano ng resolusyon ang mga naturang opisyales at sinertipika na tumalima sila sa specification na inaprubahan ng National Police Commission (Napolcom), ang dokumentong ginamit ng supplier para makakulekta ng kabayaran.
“The above-mentioned officers led by Supt. Marasigan clearly acted in bad faith when they issued an inspection report and arrogated upon themselves the authority which was delegated to the PNP Maritime Group Inspection and Acceptance Committee by the PNP HQ Bids and Awards Committee,” sabi ni Robredo.
Ang masama umano sa lahat ay matapos na mabayaran ng P4.8 million ang supplier, wala man lamang anya sa 16 PCCs o motorized bancas ang nagamit.
“Bakit? dahil ang mga bangka ay pumugal nang nasa Navotas Fish Port Complex sa Navotas City ang mga ito saka lumubog lahat matapos na tumama ang bagyong Bebeng noong nakaraang taon,” dagdag ni Robredo.
- Latest
- Trending