Loren nanawagan sa Senado vs plastic
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Senador Loren Legarda sa kanyang mga kasamahan sa Senado na madaliin ang pagpapatibay ng kanyang panukalang-batas na nagpapanukalang ganap na ipagbawal ang paggamit ng mga plastic bag sa bansa.
Ginawa ni Legarda na tagapangulo ng climate change committee ng Senado ang panawagan nang aprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang sarili nitong version ng plastic bag ban bill na tinawag na “Plastic Bag Regulation Act of 2011.”
Sinabi ni Legarda na, ngayong pinagtibay na ng House ang bersyon nito sa panukalang-batas na nagbabawal sa mga non-biodegradable plastic bag, “nananawagan ako sa mga kasamahan ko sa Senado na madaliin ang pag-aakisaso sa bill na isinampa ko, ang Senate Bill 2759 o Total Plastic Bag Ban Act of 2011.”
Layunin ng dalawang panukalang-batas na ipagbawal na ang paggamit ng mga hindi natutunaw na plastic bag sa mga supermarket, department stores, groceries, convenience store, food chains, restawran, sari-sari stores at iba pang commercial establishment.
“Nagiging basura ang mga plastic bag dahil nakakarating ang mga ito sa mga landfill, drainages at bodies of water tulad ng Pasig River at Manila Bay at inaabot ng ilang dekada bago tuluyang matunaw ang mga ito na pumipinsala sa marine life,” dagdag pa ng mambabatas.
Inihalimbawa niya ang nangyaring pagbaha na dulot ng malakas na ulan ng bagyong Ondoy noong 2009 na bunga rin ng perhuwisyong dulot ng mga plastic bag. Hindi lang anya pinapalubha ng mga plastic bag ang pagbabaha sa Metro Manila tuwing bumabagyo kundi pinapahirap din nito ang paglilinis.
- Latest
- Trending