Media malaki ang ambag sa pagsugpo ng krimen - CHR
MANILA, Philippines - Inamin ni Commission of Human Rights (CHR) Chairman Loretta Ann Rosales na malaki ang naitutulong ng media sa pagsugpo ng krimen at anomalya partikular na sa paglalantad ng mga ito ng mga katiwaliang nagaganap.
Sa ginanap na Communication and News Exchange (CNEX) Forum ng Philippine Information Agency (PIA), binigyan diin ni Rosales na malaki ang bahaging ginagampanan ng media upang mabawasan ang anomalya sa bansa.
Ayon kay Rosales, sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng media sa mga maling gawain ng mga nanunungkulan sa gobyerno ay nababawasan din ang gumagawa ng anomalya sa kanilang trabaho.
Samantala, idinagdag pa nito na dapat na pursigihin ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang “internal reforms” nang sa gayon ay matigil na ang mga maling gawain na nangyayari sa kanilang hanay.
Kasalukuyan na ring inaayos ng CHR ang kanilang “comprehensive monitoring” sa lahat ng problema sa paglabag sa mga kaparatang pantao kabilang na dito ang civil rights, political rights, economic rights, social rights at iba pa.
Kaugnay nito, sinabi naman ni PNP Public Information Office (PIO) chief, Chief Supt. Agrimero Cruz na patuloy ang kanilang mga isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga naganap na katiwalian sa kanilang hanay.
Aniya, sasagasaan nila ang dapat na masagasaan para lamang tuluyang maireporma ang PNP base na rin sa kautusan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, III na tumahak sa tuwid na landas.
- Latest
- Trending