'Mina' napanatili ang lakas
MANILA, Philippines - Pinangangambahang magdudulot pa ng karagdagang pinsala ang bagyong Mina sa Northern Luzon dahil napanatili nito ang kanyang lakas habang halos hindi umuusad sa kanyang kinaroroonan.
Sa latest monitoring ng PAGASA alas-11 ng umaga kahapon, si Mina ay huling namataan sa layong 90 kilometro hilagang silangan ng Tuguegarao taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 195 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pabugsong hangin hanggang 230 bawat oras.
Si Mina ay lalong bumagal ang pag-usad habang kumikilos ng may pitong kilometro bawat oras papuntang Taiwan.
Nananatiling nakataas ang storm signal no. 4 sa Northern Cagayan, Calayan at Babuyan Group of Islands at signal no. 3 sa Isabela, Apayao, nalalabing bahagi ng Cagayan at Batanes Group of Islands.
Signal no. 2 sa Northern Aurora, Quirino, Ifugao, Mt. Province, Kalinga, Ilocos Norte, Iocos Sur, Abra, Benguet at La Union habang signal no. 1 sa nalalabing bahagi ng Aurora, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac at Zambales.
Walang signal warnings sa Metro Manila gayundin sa Southern Luzon at Visayas pero makakaranas pa rin ng pabugso-bugsong pag-ulan dahil sa hanging habagat.
Ngayong Linggo, ang bagyong Mina ay nasa layong 80 kilometro hilaga ng Aparri, Cagayan at sa Lunes nasa layong 160 hilaga ng Cagayan habang sa Martes ay nasa layong 155 kilometro hilaga ng Basco, Batanes.
- Latest
- Trending