NCAE binago ng DepEd
MANILA, Philippines - Inianunsiyo ng Department of Education (DepEd) ang pagbabagong ginawa sa administrasyon ng National Career Assessment Examination (NCAE) gayundin sa petsa nang pagkuha ng eksaminasyon.
Unang itinakda ang eksaminasyon sa Agosto 31, 2011 ngunit binago ito at ginawang Setyembre 28, 2011. Dati rin itong ibinibigay sa mga fourth year high school students ngunit ngayon ay ibinibigay na ito para sa third year high school students sa mga pampubliko at pribadong secondary schools.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, minabuti nilang i-administer ang NCAE sa mga third year HS student upang mabigyan ang mga ito ng sapat na panahon para sa comprehensive career guidance bago sila pumasok sa tertiary level.
Ang resulta ng NCAE ang magpapakita sa interes at career inclination ng isang mag-aaral, maging technical-vocational, entrepreneurial, o full college education course, man ito.
Sa ganitong paraan, magagabayan umano ang mga magulang at mga estudyante kung ano ang career o karera na dapat na tahakin ng mga mag-aaral pagkatapos ang graduation.
Wika pa ni Luistro, ang NCAE ay isang mahalagang pamamaraan ng gobyerno upang matugunan ang problema sa job mismatch, unemployment rate, at “brain drain.”
- Latest
- Trending