Drilon duda sa haba ng buhay ng 23,580 WWII veterans
MANILA, Philippines - Nagkaroon ng duda si Senator Franklin Drilon kung totoong nabubuhay pa ang lahat ng 23,580 beterano ng World War II na kabilang sa nilalaan ng pondo ng gobyerno taun-taon.
Lumabas ang pagdududa ni Drilon sa hearing ng P106.9 bilyong budget ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines para sa 2012 kung saan P34.347 bilyon ang mapupunta bilang pensiyon ng mga retiradong sundalo kabilang na ang mga beterano.
Ayon kay Drilon, kung kukuwentahin ang edad ng 23,580 war veterans ay nasa pagitan ng 86 taong gulang ang pinakabatang beterano samantalang 101 naman ang pinakamatanda.
Sinabi ni Drilon na ang life expectancy ng mga average na Filipino ay 68 taong gulang at lumalabas na nakalampas na dito ang mga nabanggit na WWII veterans.
Tahasang inamin din ni Drilon na duda siya sa dami ng mga nabubuhay pang beterano na dapat umanong silipin kung sila pa talaga ang nakakatanggap ng pensiyon mula sa gobyerno.
Lumabas din sa hearing na napakalaking bahagi ng pondo ng militar ay napupunta sa pensiyon ng mga nagretiro ng miyembro ng AFP.
- Latest
- Trending