'Whistleblower' sa 2004 polls ililigpit
MANILA, Philippines - Plano umanong iligpit ng isang grupo ang “whistleblower” sa umano’y election returns (ERs) switching noong 2004 elections.
Ayon sa report, nakakalat na sa Metro Manila ang mga upahang killers upang patahimikin sa anumang paraan si Senior Supt. Rafael Santiago.
Una nang inamin ni Santiago ang kanyang pangamba sa kanyang seguridad kaugnay ng kanyang expose kung saan idinawit nito si dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayon ay Zambales Gov. Hemogenes Ebdane na umano’y nasa likod ng operasyon.
Nababahala si Santiago na posible umanong gamitin ng naturang gobernador ang kanyang mga dating tauhan sa kapulisan upang siya’y patigilin sa kanyang pagsisiwalat sa nasabing dayaan noong 2004 polls.
Ayon sa nasabing report, mga dating miyembro ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) at National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTF) ang nasa likod ng balak na pagpapatahimik kay Santiago bago simulan ang joint investigation ng Department of Justice (DOJ) at Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng mga anomalya noong 2004 at 2007 elections.
“Mukhang maraming madadamay sa sasabihin ni Santiago dahil may mga police officers na active sa service ang tumulong sa ER switching,” ayon sa isang senior police officer na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Bukod sa affidavit na isinumite sa DOJ, pinaniniwalaan na may mga hawak na iba pang document si Santiago hinggil naman sa umano’y pagkakasangkot ni Ebdane at ilang malalapit na opisyal ng PNP sa milyon-milyong illegal na mining sa Zambales.
“Marami talaga siyang alam at sa hearing ay isasabog niya ito,” dagdag pa ng source.
Subalit maging si Santiago ayon sa mga una nang napaulat ay inuugnay din sa mga nasabing illegal na operasyon noong siya’y hepe pa ng kapulisan sa nasabing probinsiya.
Kamakailan lang ay ipinag-utos ni DILG Secretary Jesse Robredo ang pagre-assign ni Santiago at iba nitong mga kasamahan sa kanyang opisina, para na rin sa kanilang seguridad.
- Latest
- Trending