GMA inilabas na ng ICU
MANILA, Philippines - Nakalabas na ng “surgical intensive care unit” si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos ang halos dalawang araw na pananatili dito bunsod ng operasyon sa kanyang “cervical spine” o gulugod sa leeg nitong nakaraang Biyernes sa St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig.
Kinumpirma ni SLMC spokesperson Marilyn Lagniton ang paglabas sa ICU ng dating Pangulo at inilipat na sa pribadong kuwarto nito kahapon ng umaga.
Hindi naman nagbigay ng ibang impormasyon si Lagniton ukol sa kalagayan ni Arroyo at kung naging buo ang tagumpay ng operasyon na sinasabing napakaselan.
Patuloy naman umano ang masusing obserbasyon kay Arroyo ng mga manggagamot nito habang hindi naman sinabi kung maaaring tumanggap na ito ng bisita maliban sa kanyang unang pamilya.
Matatandaan na isinugod si Arroyo sa pagamutan nitong nakaraang Lunes kung saan inirekomenda ng mga manggagamot ang operasyon nang makita na may bahagi ng kanyang cervical spine ang lumubog.
Naituloy ang operasyon nitong nakaraang Biyernes na tumagal ng higit sa limang oras kung saan idiniretso si Arroyo sa ICU matapos ang operasyon.
- Latest
- Trending