Pag-atras ni Garci 'di kawalan - Malacañang
Manila, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na hindi kawalan ng gobyerno kung mag-back out si dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano matapos nitong itanggi na nagpadala siya ng ‘feelers’ kay Presidential Political Adviser Ronald Llamas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, walang problema sa Palasyo kung biglang magbago ng kanyang isip si Garcillano dahil marami pa namang testigo ang nagboboluntaryong ibunyag ang kanilang nalalaman sa naganap na dayaan noong 2004 at 2007 polls.
“Nagpadala siya ng feelers kaya kung magba-back out siya ay walang problema sa amin yon,” wika ni Lacierda.
May 3 pang testigo na hawak ang DILG upang suportahan ang akusasyon ni dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol na nagkaroon ng dayaaan noong 2004 polls.
Maging si dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan ay nagpahayag ng kahandaan na ibunyag ang kanyang nalalaman sa dayaan noong 2004 at 2007 polls.
Itinanggi ni Garcillano na nagpadala siya ng feelers kay Llamas at iginiit ng dating Comelec official na nasabi na niya ang kanyang panig at itinanggi niyang may kinalaman siya sa sinasabing naganap na dayaan noong 2004 polls.
Wika pa nito, nasabi na niya ang katotohanan ng magsagawa ng imbestigasyon noong 2006 ang Kamara at wala na siyang maidadagdag pa rito.
- Latest
- Trending