VAT sa toll fees tuloy na
MANILA, Philippines - Asahan na ang lalo pang pagtaas na babayaran sa tollways matapos paboran ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng value added tax (VAT) sa toll fees.
Sa isang unanimous decision noong Hulyo 19, inalis na ng Supreme Court ang temporary restraining order na inisyu noong nakaraang taon laban sa plano ng Department of Finance at ng Bureau of Internal Revenue (BIR) upang maipatupad ang VAT toll rates.
Dahil dito, ibinasura na rin ng Korte Suprema ang petition nina Renato Diaz at Aurora Timbol na kumukuwestiyon sa pagpapatupad ng toll rates dahil sa kawalan ng merito.
Tinukoy ng SC na hindi nasapawan ng BIR ang kapangyarihan ng lehislatura sa pagpapatupad ng VAT sa tollways.
Pinuna rin ng hukuman ang kawalan ng batas na nag-eexempt sa mga tollways mula sa VAT.
Ayon sa SC, ang buwis naman na makokolekta ng gobyerno ay para sa iba pang mga proyektong pakikinabangan din ng publiko, habang ang tollways operators ay gumagastos din alinsunod sa ‘build, operate and transfer scheme’ para sa lahat ng expressways.
Hindi naman umano maituturing na buwis ang toll fees, na sinasabing papatungan pa ng VAT, na isa ring buwis.
- Latest
- Trending