P785-M tinipak ni Morato sa PCSO deal?
MANILA, Philippines - Posibleng si dating PCSO Chair Manoling Morato ang tumipak sa P785-M kontrata ng lease-purchase ng online lottery draw machines.
Ito ang lumilitaw sa Senate investigation ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) scam.
Batay sa mga tanong na pinangunahan ni Senate President Juan Ponce Enrile at iba pang senador, lumabas ang mga sumusunod: Nu’ng 1995, ang PCSO ay lumagda ng kontrata sa PGMC-Berjaya para sa lease-purchase ng online lotto draw machines. Ang PCSO ay may option na bilhin ang mga machines sa halagang $25-M sa katapusan ng walong taong kontrata. Subalit pagkatapos ng kontrata nuong 2003, imbes na bilhin ang mga machines, minabuti ng PCSO na re-extend na lang ang kontrata na hindi dinaan sa public bidding na pinag-uutos ng batas.
Ang extended na kontrata ay tatakbo hanggang 2015. Ang total na naibayad ng PCSO sa PGMC-Berjaya mula nuong 1995 hanggang 2009 ay P17-B. Nu’ng nare-extend ang kontrata, si Morato ay myembro na lang ng PCSO board. Iginiit ng mga senador na dapat binili na lang ng PCSO ang machines sapagkat ang re-extended contract ay “grossly disadvantageous to the government.”
Ayon sa sources, ang isang hinala kaya nare-extend ang kontrata ay dahil sa mga sumusunod: Ang Best Western Hotel na pag-aari ng TF Ventures, Inc. na pag-aari ni Morato ay na-bankrupt nung 2003 at nagkautang sa isang bangko.
Sa admisyon mismo ni Morato, binailout sa pagkakautang ang hotel ng Perdana Land Philippines, Inc. na pag-aari ng Berjaya, isang Malaysian firm. Ang Berjaya naman ang may-ari ng PGMC na nakipag-kontrata sa PCSO. Sa pamamagitan ng isang PowerPoint, pinakita ni Sen. Jinggoy Estrada ang Memorandum of Agreement ng TF Ventures at Perdana para sa bail-out at purchase ng hotel sa halagang P785-M.
Sa deliberasyon ng PCSO board sa extended contract, lumahok si Morato at hindi nag-inhibit na pinag-uutos ng batas. Idiniin ni Estrada na ito ay “pure and simple conflict of interest” at labag sa batas.
- Latest
- Trending