Magulang makakasuhan kapag hindi naireport ang 'missing' na anak
MANILA, Philippines - Kakasuhan ang mga magulang na hindi mag-uulat sa pulisya o barangay na nawawala ang kanilang mga anak sa loob ng isa o dalawang araw.
Sinabi ni Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na layon ng panukala ang magpapataw ng parusa sa magulang na nabigong i-report sa pulisya na nawawala ang kanilang anak.
Giit ng kongresista, nais lamang nitong siguruhin na natutupad ng mga magulang ang kanilang tungkulin at responsibilidad na ligtas ang kanilang mga anak.
Ibinase umano ni Herrera-Dy ang panukala sa naging kaso sa Estados Unidos na maaaring mangyari sa Pilipinas kung saan sa naganap na courtroom drama ng murder case sa Florida, USA kinasuhan ng state prosecutors si Casey Anthony dahil sa pagkamatay ng 2 taong gulang na anak na babae nito na natagpuan ang bangkay 5 buwan matapos iulat ng lola na nawawala ito noong Disyembre 11, 2008.
Paliwanag ni Herrera-Dy na ang kaso ni Anthony ay maaaring mangyari sa Pilipinas hanggang walang batas na maipapasa para maiwasan o mapigilan ito.
Tanging mga biktima ng kidnapping o iba pang insidente kung saan posibleng manganib ang buhay ng bata ang maaaring exempted sa panukalang batas.
Sa ilalim ng panukala, ang mga magulang o legal guardians ng bata na nawala at hindi iniulat sa barangay o pulisya sa loob ng 24 o 48 oras matapos mawala ay maaaring maparusahan.
- Latest
- Trending