Pagbuhay sa manufacturing sector isinulong ni Villar
MANILA, Philippines - Kayang-kaya ng Pilipinas na ibangon ang manufacturing sector mula sa hukay at makipagsabayan sa bansang China sa naturang industriya at makapagbigay ng trabaho sa milyun-milyong Pinoy na walang hanapbuhay sa ngayon.
Ito ang binigyang diin ni Sen. Manny Villar kasabay ng pagtukoy sa liberalisasyon na siyang nagpapalala sa sitwasyon ng manufacturing sector sa bansa.
Ayon sa Senador, kailangan lamang ibuhos ng Pilipinas ang atensyon sa paggawa ng mga produktong hindi karaniwang ginagawa at ibinebenta ng China sa ibang bansa gaya ng hollow blocks at iba pang produkto.
“Malaki rin ang ating bentahe sa gastos sa pagbibiyahe ng mga paninda dahil masyadong mataas ang transport cost mula sa China papunta sa atin kaysa sa transport cost mula sa Laguna kung saan marami ang pabrika papunta sa Maynila at mga kalapit na sentro ng kalakalan sa ating bansa,” paliwanag ni Villar na kinikilalang ‘Brown Taipan’ sa buong Asya dahil sa tagumpay niya sa pagnenegosyo.
Iginiit din ni Villar na bigo ang ipinatupad na liberalization sa bansa dahil itinuring ito ng pamahalaan na pantapal sa pangkalahatang problema sa pamumuhunan sa bansa.
Hindi aniya ang China ang pumapatay sa ating ekonomiya kundi ang liberalization na hindi naman nakakatulong sa ating mga kababayan. Sa halip, ito pa ang pumapatay sa maraming maliliit na negosyo sa bansa. Halimbawa na aniya dito ang mga magsisibuyas sa hilagang Luzon na lugmok na sa pagkalugi dahil sa pagbaha ng murang imported na sibuyas sa mga lokal na pamilihan.
- Latest
- Trending