'Killer toyo' kumakalat
Manila, Philippines - Pinag-iingat ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko sa pagbili at paggamit ng soy sauce o toyo na may sangkap na 3-MCPD na posibleng maging sanhi ng cancer.
Ayon kay FDA Assistant Director Nazarita Tacandong na karaniwang nabibili ang toyo na may sangkap ng 3-MCPD sa mga palengke.
Kadalasan kasi sa mga ito, hindi dumadaan sa pagsusuri ng FDA dahil ilegal na nakakapasok ng bansa.
Ang 3-MCPD o 3-monochloropropane-1,2-diol ay karaniwang chemical contaminants na mas kilala bilang chloropropanols. Ito ay nabubuo kung ang matatabang pagkain na nagtataglay ng asin ay nakalantad o nakabilad habang ginagawa. Kadalasan itong nakikila sa mga toyo.
Ginagamit ang 3-MCPD bilang flavour enhancer na mas kilala din bilang acid-hydrolysed vegetable protein. Ang flavour enhancers ay kadalasang nilalagay sa commercially produced food products na kinabibilangan ng instant soups at snack foods at soy sauces upang mas maging ‘savoury’.
Payo ni Tacandong sa mga mamimili na ugaliing basahin at suriin ang label ng kanilang bibilhing produkto.
Tingnan din aniya ang tatak ng produkto kung ito ay dumaan sa pagsusuri ng FDA upang masigurong ito ay ligtas.
Nabatid na sa ginawang pag-aaral ng mga eksperto sa Germany noong 2001, lumitaw na may mataas 3-MCPD (3-chloropropane-1,2-diol) ang ilang mga toyo na gawa sa China na nagbunsod naman sa Danish Veterinary and Food Administration na magsagawa ng survey upang maimbestigahan kung positibo din ang iba pang pagkain at food ingredients ng 3-MCPD.
- Latest
- Trending