^

Bansa

NBI may bagong 6 na testigo, Hubert Webb muling idiniin

- Doris Franche-Borja -

Manila, Philippines - Iprinisinta kahapon ng National Bureau of Investigation ang testimonya ng anim na bagong testigo na magpapatunay na nasa Pilipinas ang pinawalang-salang suspek na si Hubert Webb nang paslangin ang tatlong miyembro ng pamilya Vizconde sa BF Homes, Parañaque noong Hunyo 1991.

Sinabi ni Department of Justice Secretary Leila de Lima sa isang pulong-balitaan sa punong-himpilan ng NBI sa Maynila na mga totoong testigo ang kanilang inihaharap.

“Alam namin ang ka­nilang tirahan at nakausap namin sila para beripikahin ang sinumpaan nilang salaysay,” sabi pa ni de Lima bagaman sinabi niya na tinagubilinan ang bagong mga saksi na huwag magpakita sa publiko at binigyan sila ng mga alyas para sa kanilang seguridad.

Bukod sa mga testigo, sinabi ni NBI Death Investigation Division head Romulo Asis na nakuha nila ang magnetic reel tapes ng Bureau of Immigration na magpapatunay na hindi umalis ng bansa si Webb.

Narekober aniya dito ang listahan ng mga taong may apelyidong Webb na umalis ng bansa sa buong buwan ng Marso noong 1991 at hindi kasama si Hubert sa listahan kundi isang Freddie.

Mayroon naman aniyang mga Webb na dumating noong Oktubre 1992 at dito kasama ang pangalan ni Hubert at ito ang kanilang tinitingnan.

Ginamit na depensa ni Webb sa paglilitis sa kaso noon na nasa United States siya nang paslangin sina Estrellita Vizconde at mga anak nitong sina Carmelita at Jennifer at gahasahin si Carmelita. Ang naturang alibi niya ang isa sa mga dahilan kaya pinawalang-sala siya at ang iba pang akusado sa kaso.

Ipinaliwanag ni Asis na nabawi ang mga tapes sa pamamagitan ng IBM habang minomonitor ng National Computer Center.

“Tiyak na wala sa natu­rang listahan ang panga­lang Hubert Jeffrey Webb. Hindi ito ispekulasyon pero isang produkto ng technical piece of evidence,” sabi pa ni Asis.

Napaulat din na bubuweltahan ng kampo ni Webb ang NBI dahil sa muling pagdadawit dito sa kaso.

Kinontra ng abogado ni Webb na si Atty. Demetrio Custodio ang deklarasyon ng NBI sa pagsasabing konklusibo ang ebidensiyang ipinakita nila sa korte na nagpapatunay na umalis sa bansa si Hubert nang maganap ang masaker.

Isa sa mga bagong testigo ang isang drug dealer na pinangalanang “George” na nagsabing meron siyang transaksyon kay Webb nang maganap ang pamamaslang.

Nagpagupit rin umano si Webb sa isa pang testigong si “Mario” noong Hunyo 1991.

Dalawa pang testigo na sina “Rey” at “Jerry” ang nagsabing nakita nilang nagbabasketbol si Webb sa BF Homes sa pagitan ng Hunyo at Hulyo 1991.

Gayunman, sinabi ni de Lima na wala pa silang pruweba na magpapatunay na nasa lugar ng krimen sina Webb at mga kasama nito nang paslangin ang mga biktima.

Pero ipinagtataka ni de Lima kung bakit itinatago ni Webb ang katotohanang nasa bansa ito kung wala itong kasalanan.   

Ang biyudo at ama ng mga biktima na si Lauro Vizconde ay nagpahayag ng kasiyahan at nagsabing pinatunayan lang sa bagong imbestigasyon ng NBI ang paniniwala niyang ang grupo ni Webb ang may kagagawan ng krimen. Masaya siya dahil vindicated na siya.

“Ako’y natutuwa sapagkat akala ko napagsarhan na ako ng pintuan ng hustisya,” dagdag ng matandang Vizconde.

Gayunman, inamin ni de Lima na hindi na nila masasampahan ng kaso sina Webb at iba pa dahil ipinagbabawal ng Konstitusyon na usigin nang dalawang beses sa magkatulad na krimen ang isang tao. Tinutukoy niya ang tinatawag na double jeopardy.

Pero mabilis niyang binanggit na hindi pagsasa­yang ng oras ang kanilang ginagawa. “Katotohanan ang habol namin,” sabi pa ng kalihim.

Nabatid din kay de Lima na hinahanap nila ang isang alyas na Black Maria na sinasabing nasa loob ng bahay ng mga Vizconde nang maganap ang krimen at maaaring nakakita sa mga salarin.

Idinagdag ng kalihim na meron na silang impormasyon na makakatulong para matunton ang iba pang mag suspek na nagngangalang Eduardo Villadolid at kapatid nitong si Rommel.

Pinaghahanap pa rin ang dalawang naunang suspek na sina Joey Filart at Artemio Ventura.

Pinuna naman ng task force ang diperensiya sa passport ni Webb at sa mga U.S. documents na hawak niya kaugnay ng sinasabi niyang nasa Amerika siya. Ang kanyang Jeffrey ay “Jeffry” sa kanyang passport.    

Meron din daw lumitaw na maikling pirma na taliwas sa ibang dokumentong ginamit sa alibi.

ARTEMIO VENTURA

ASIS

HUBERT

HUNYO

VIZCONDE

WEBB

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with