NHCP pinuna ang 'di pagrespeto sa watawat at Pambansang Awit
MANILA, Philippines - Pinuna ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang ilang mga taong sumaksi sa ginanap na selebrasyon sa Luneta Park kahapon sa ika-113 anibersaryo ng Kasarinlan dahil sa hindi pagbibigay ng respeto sa pagtataas ng bandila habang inaawit ang Lupang Hinirang.
Napansin ng ilang opisyal ng NHCP na dumalo sa selebrasyon ang mga taong patuloy pa umano sa pagtsi-tsismisan habang itinataas ang bandila at ang iba naman ay sige lang sa kanilang ginagawa na hindi nakikiisa sa pagpupugay sa watawat at pag-awit para sa bayan.
Sinabi ng mga opisyal ng NHCP na makikipag-ugnayan sila sa Department of Education (DepEd) upang buhayin ang nawawalang paggalang ng mga mamamayan sa Pambansang Awit at pagtataas ng watawat.
Ayon kay Dr. Serena Diokno, chairman ng NHCP, kailangang pag-ibayuhin pa ng mga guro ang pagtuturo kung paano gumalang sa Pambansang Awit.
Naniniwala ang NHCP na bagaman sa pamilya nagsisimula ang lahat ay may tungkulin pa rin ang mga guro na gabayan ang mga bata.
- Latest
- Trending