Batas vs nangri-rape sa patay umusad na
MANILA, Philippines - Sinimulan nang talakayin kahapon sa Senado ang panukalang batas na naglalayong patawan ng parusa ang mga nangri-rape sa patay o necrophilia.
Ayon kay Senator Francis “Chiz” Escudero, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, sa ngayon ay wala pang batas na nagpaparusa sa mga taong nambabastos sa patay.
Ang pangre-rape umano sa isang bangkay ay may katapat na parusa sa ibang bansa pero wala pa dito sa Pilipinas.
Kalimitan umanong nangyayari ang panghahalay sa mga bangkay sa mga punerarya at mga crime laboratories dahil ang mga nagta-trabaho dito ang may access sa mga bangkay.
Sinabi pa ni Escudero na dahil hindi na makakapag-reklamo ang isang nilapastangang bangkay, ang karapatan ng mga magulang o kamag-anak ang nalalabag.
Inihayag rin ni Escudero na bagaman at maituturing na may diperensiya sa utak o isip ang nanghahalay sa bangkay, dapat pa rin itong ikulong dahil sa pambabastos sa katawan ng isang yumao.
- Latest
- Trending