Whistleblower Act aprub na sa House
MANILA, Philippines - Aprubado na ng House Committee on Justice ang panukalang magbibigay proteksyon, benepisyo at reward sa mga taong nagsusumbong at tumetestigo laban sa mga tiwali sa gobyerno.
Sa ginanap na pagdinig ng komite sa pangunguna ni Senior Vice-Chairman Rodolfo Farinas, walang tumutol nang mag-mosyon si Maguindanao Rep. Simeon Datumanong para palusutin na ang consolidated version ng Whistleblower Act.
Sa ilalim ng panukala, ang mga whistleblower ay kailangang pumasa muna sa standards at requirements bago ito matanggap bilang whistleblower.
Sa sandaling makalusot ang whistleblower ay agad itong makakatanggap ng P100,000 hanggang P200,000 habang P50,000-P100,000 naman kapag naihain ang kaso sa korte laban sa opisyal na isinumbong at P50,000 hanggang P100,000 kapag nakumpleto na ang testimonya nito.
Hindi rin maaring makasuhan ang whistleblower dahil sa kanyang testimonya at sa halip ay pwedeng makulong ang sinumang bubuwelta o gagawa ng hakbang laban dito.
Subalit ang whistleblower ay maaring maharap sa kaso sa sandaling magbigay ito ng maling impormasyon, mag-recant o bumawi ng testimonya.
- Latest
- Trending