Mabigat na parusa sa mga sangkot sa aksidente isinulong sa Kamara
MANILA, Philippines - Isinulong ng 2 kongresista na repasuhin at pabigatin ang parusa sa mga nasasangkot sa malagim na trahedya sa lansangan.
Ayon kay Iloilo Rep. Jerry Trenas, ang mga aksidente na kinasasangkutan ng mga abusadong tsuper ng pampublikong sasakyan ang isa na sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng tao sa Pilipinas.
Base sa istatistika ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umaabot sa 4,825 na aksidenteng kinasangkutan ng pampasaherong bus noong 2008 habang 1,488 naman ang naitala noong 2009 sa Metro Manila, o nangangahulugan ng 10 aksidente araw-araw.
Ayon kay Trenas, dapat magkaroon ng ispesipikong threshold ng mga bilang ng aksidenteng kinasangkutan ng isang kumpanya ng pampublikong sasakyan upang maging batayan ng pagbawi ng kanilang prangkisa.
Samantala, sinabi ni Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento, kailangan ding tumulong ang mga drayber at operator sa pagganap ng responsibilidad na tiyaking ligtas ang kanilang mga sasakyan.
Kalimitan ngayon, isinisisi ng mga drayber ang aksidente sa problema ng kanilang sasakyan kapag nadidisgrasya kaya’t ang iba ay nakaliligtas sa pananagutan.
Ayon dito, dapat na tuluyan nang bawiin ang lisensya ng isang drayber na nasangkot sa matinding aksidente kahit pa ito ay maabswelto sa isang out of court settlement.
Ang hakbang na ito ay bunsod na rin ng pagkamatay ng veteran journalist at UP professor na si Chit Estrella-Simbulan matapos salpukin ng bus ang kanyang sinasakyang taxi sa lungsod ng Quezon.
- Latest
- Trending