10 lugar sa Bicol Region signal no. 2
MANILA, Philippines - May 10 lugar sa bansa ang inilagay na sa signal number 2 bunga ng pananalasa ng bagyong “Bebeng” simula noong Sabado.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), si Bebeng ay namataan 40 km sa timog-silangan ng Virac, Catanduanes ganap na alas-4 ng umaga.
Ganap na alas-5 ng umaga, ang bahagi ng Bicol Region, Quezon Province at Northern Samar ay nakaranas ng mabagyong panahon habang ang ibang lugar sa Eastern Luzon at Samar Provinces ay magkakaroon ng pag-ulan na may pabugso-bugsong hangin. Ang Central at Southern Luzon at ang Visayas ay may maulap at manaka-nakang pag-ulan at pagkulog na magdudulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Taglay ni Bebeng ang hanging 85 kph malapit sa gitna at bugsong 100 kph, at kumikilos patungong kanluran-hilagang kanluran sa lakas na 13 kph.
Ngayong umaga, si Bebeng ay inaasahang nasa 100 km sa timog-silangan ng Baler, Aurora. Sa Martes ng umaga ay tinayang nasa 70 km sa timog-silangan ng Laoag City. Miyerkules ng umaga ay inaasahang nasa 250 km sa Laoag City o 180 km ng Basco, Batanes.
Signal no. 2 sa Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, Polilio Island, Quezon, Burias Island, Ticao Island, at Northern Samar.
Habang signal no. 1 sa Masbate, Marinduque, Romblon, Laguna, Rizal, Bulacan, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Isabela, Eastern at Western Samar.
Pinaalalahanan din ng PAGASA ang mga residente sa mga mababa at bulubunduking lugar na nasa ilalim ng storm signal na maghanda para sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Gayundin ang mga residente malapit sa baybayin na nasa ilalim ng signal number 2 na maging alerto laban sa posibleng malakas na pag-alon.
- Latest
- Trending