DepEd may summer job
MANILA, Philippines - Magandang balita sa mga mahihirap pero matatalinong estudyante na nais kumita ng pera at magtrabaho ngayong bakasyon.
Tumatanggap na ang Department of Education (DepEd) ng aplikasyon para sa summer job ng mga estudyante at out-of- school youth sa bansa.
Ayon kay Executive Director Joey Pelaez, ng DepEd Center for Student and Co-Curriculum Affairs (CSCA), layunin ng kagawaran na tulungan ang mga mahihirap na estudyante na kumita ngayong bakasyon para may magamit na pang-tuition sa susunod na pasukan.
Sinabi ni Pelaez, trabahong pang-opisina sa ibat-ibang tanggapan ng DepEd ang ibibigay nila sa sinumang mag-aaral na matatanggap sa summer job.
Tatanggap ng minimum na suweldo o P404 kada araw ang mapalad na estudyante na matatanggap sa trabaho, bukod pa ang P50 daily allowance.
Ang “offer” na summer job ay para sa mga 15-25 anyos at ang aplikasyon ay kailangan na personal na dalhin sa CSCA office sa ground floor, Mabini Building DepEd Complex, Meralco Avenue.
Hanggang sa Abril 9 lamang ang pagsusumite ng aplikasyon, Lunes hanggang Sabado, alas 9:00 ng umaga hanggang alas 6:00 ng hapon.
Magdala ng mga requirements tulad ng biodata o resume na may kasamang 2x2 na picture, birth certificate, income tax return ng mga magulang o kaya’y certificate of exemption mula sa BIR kung exempted sa pagbabayad ng income tax.
Kinakailangan rin na ang pinagsamang kita ng mga magulang ng aplikante sa buong taon ay hindi lalampas sa P148,000 at para sa mga out of school youth naman ay kailangan kumuha ng report card, good moral character at barangay certificate.
Para sa iba pang impormasyon tumawag sa 6363603/6318495; DepEd CSCA.com at facebook DepEd CSCA.
- Latest
- Trending























