Tigdas outbreak nakaamba - DoH
MANILA, Philippines – Naaalarma na ang Department of Health sa dumaraming kaso ng tigdas sa bansa matapos tumaas ng tatlong doble mula sa 453 kaso noong 2007 sa 1,418 nitong 2010.
Sa loob ng nakalipas na 2 taon, may 66 na bata na rin ang namatay sa tigdas. Ang ganitong sitwasyon ay nangyayari lamang kapag kumokonti ang mga batang nabakunahan sa tigdas.
Dahil dito, inatasan ni Health Secretary Dr. Enrique T. Ona, na magsagawa ng malawakang door-to-door measles vaccination campaign umpisa ngayong Abril 4. Layunin ng kampanya na makapagbakuna ng 18 milyon batang Pilipino, edad 9 na buwan hanggang 8 taong gulang.
Ayon kay Director Asuncion M. Anden ng DoH National Center for Health Promotion, maglalaan ng P600 milyon ang DoH para sa kampanyang “Ligtas sa Tigdas ang Pinas.” Kung magiging matagumpay ang pagbabakuna, maraming buhay ang maililigtas nito.
Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na ang tigdas ay isang nakakahawang sakit ng mga bata mula edad 6 months hanggang 12 years. Ang tigdas ay galing sa measles virus at ang bakuna ang pinakamabisang panlaban sa tigdas.
Hinihikayat ni Ona ang lahat ng mga mayors sa pamahalaang local na tumulong sa kampanya ng DoH laban sa tigdas.
“Seryoso ang sakit na tigdas dahil puwedeng magka-komplikasyon. Isa sa bawat 10 bata na may tigdas ay magkakaroon ng impeksyon sa tainga na puwedeng kumalat sa utak. Isa sa bawat 20 bata ay magkakaroon ng pulmonya at isa sa bawat 500 bata ay namamatay sa tigdas,” wika ni Ona.
Ang sintomas ng tigdas ay lagnat, sipon, ubo at kakaibang rashes sa buong katawan. Nag-uumpisa sa lagnat na tumitindi pagdating ng 4-5 araw. Pagkatapos, lalabas ang makakapal na rashes mula mukha pababa sa buong katawan. Pagkalipas ng 4-5 araw, inaasahang mawawala na ang rashes at ang lagnat.
Para hindi makahawa sa ibang bata, kailangan maihiwalay ang mga batang may tigdas. Nakakahawa ang mga bata sa loob ng 4 na araw bago magkaroon ng sintomas ng tigdas, hanggang sa 5 araw pagkatapos lumabas ang mga rashes.
- Latest
- Trending