Nuke plant sumabog uli!
MANILA, Philippines - Muling sumabog ang Fukushima Daiichi Nuclear power plant sa Japan na sinasabing lubhang mapanganib sa kaligtasan ng mga tao kaya pinalilikas na ang lahat ng mga mamamayan kabilang na ang mga Pinoy na may 18 milya o 30 kilometro ang layo sa planta at sa mga kalapit na bansa dahil sa posibilidad na maapektuhan ng “radition leak” at nuclear materials na sasama sa hangin at hahalo sa karagatan.
Base sa report, wala nang mapapakinabangan pa sa Fukushima Daiichi nuclear plant reactor 1, 2, 3 at nadamay na rin ang reactor 4 na nasunog.
Nabatid na patuloy ang pagleak o pagtagas ng radiation matapos na kumalat ang hydrogen sa mga sumabog na reactors 1, 2, 3 sanhi upang abutin ang ika-4 na reactor hanggang sa magliyab at sumabog.
Bagaman unang sinabi na nananatiling kontrolado ang pagtagas ng planta sa pagsabog ng tatlong reactors, nagpahayag na ang Japan na lubhang mapanganib na ang sitwasyon sa muling pagsabog ng reactor 4.
Nagpatupad na ang Japan ng no-fly zone sa kinaroroonan ng Daiichi plant at pinagbabawalan na ang media na makapasok sa delikadong lugar dahil sa radiation leak na posibleng sumama sa ihip ng hangin o himpapawid.
Ayon sa Japan Transportation Ministry, mabilis ang pagkalat ng radioactive materials ng planta kaya lubhang mapanganib na sa tao kaya minamantina ang 30 kilometro layo para sa mga lumilikas na mamamayan.
Bunsod nito, inilagay na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 2 ang alarma sa kasalukuyang sitwasyon para sa libu-libong Pinoy sa Japan at ikinasa ang boluntaryong paglilikas.
Samantala, sinabi ni Foreign Affairs Usec Esteban Conejos na inatasan na nila ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo sa pamumuno ni Ambassador Manolo Lopez na ihanda ang paglilikas sa mga Pinoy lalo na yung nasa Sendai at Fukushima kung saan sumabog ang naturang nuke plant.
Dalawang consular team na ang tumungo sa Sendai at naghanda ng dalawang bus na maghahakot sa mga Pinoy na nagnanais na umuwi sa Pilipinas o kaya lumikas sa mas ligtas na lugar.
Maging ang mga staff at pamilya ng emabahada ay nagnanais na ring umuwi sa Pilipinas. Kahapon ay may 20 katao na ang nagpatala upang makauwi sa bansa mula Japan.
Bukod sa kinatatakutang radiation leak, patuloy ang pagyanig sa Japan na umaabot na sa 422 aftershocks simula nang maganap ang 9 magnitude na lindol noong Mayo 11.
Sa tala ng DFA, may 305,972 Pinoy ang kasalukuyang nasa Japan.
- Latest
- Trending