Suweldo ng PHL peacekeepers itinaas sa $900
MANILA, Philippines - Itinaas na sa $900 kada buwan mula sa dating $600 ang suweldo ng mga Pinoy peacekeepers bukod pa sa mga allowances at iba pang benepisyo sa pagsisilbi sa ilalim ng United Nations (UN).
Pinangunahan ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Eduardo Oban Jr. ang send off sa 15th Philippine Contingent to Liberia (PCL) na binubuo ng 107 Enlisted Personnel (EP) na pinamumunuan ni Army Col. Jorge Lomboy at 13th Philippine Contingent to Haiti(PCH) kung saan pamumunuan naman ni Marine Col. Ariel Caculitan ang may 143 enlisted personnel at 12 officers.
Ang peacekeeping team na pinamumunuan ni Caculitan ay tutulak sa Haiti sa darating na Marso 17 na mananatili sa nasabing bansa sa loob ng anim na buwan habang ang PCL naman ay sa susunod na buwan ng Abril na magtatagal naman doon sa loob ng sampung buwan.
Sa naturang send-off ceremony , tinagubilinan ni Oban ang peacekeeping team na magbigay karangalan sa bansa sa pagtupad ng kanilang misyon lalo pa nga at krusyal ang papel na gagampanan ng mga ito sa UN peacekeeping team lalo na sa gaganaping halalan sa Liberia at Haiti.
- Latest
- Trending