LTFRB hirap aprubahan ang 50 centavos fare hike sa bus
MANILA, Philippines - Inamin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nahihirapan ang kanilang hanay para aprubahan ang 50 sentimong hirit na dagdag pasahe ng Southern Luzon Bus Operators Association (Soluboa).
Ayon kay LTFRB board member Atty. Manuel Iway, ito ay dahil katatapos lamang nilang maaprubahan ang P1.00 dagdag pasahe sa mga pampasaherong jeep kamakailan. Hindi rin anya sila makagalaw dahil nakabakasyon pa rin si LTFRB Chairman Nelson Laluces dahil sa karamdaman kaya dalawa lamang sila sa board ngayon.
Giit ng Soluboa na maitaas ng 50 centavos ang pasahe sa bus sa bawat kilometro at habang isinasailalim ang deliberasyon hinggil dito ay dapat anilang ibalik na lamang muna ang 30 centavos na probationary increase kada kilometro na dati nilang sinisingil sa mga pasahero.
Nanawagan naman si Soluboa President at 1 Utak Rep. Homer Mercado na bilisan ng LTFRB ang pagkilos sa kanilang petisyon dahil malaki na ang nalulugi sa mga bus owners sa epekto ng patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo.
Bukod pa anya ang epekto sa kanila ng halos 300% na pagtaas ng toll fee sa SLEX na ang huling bahagi ng implementasyon nito ay ipatutupad sa susunod na buwan ng Abril. Anya, 2008 pa sila binigyan ng LTFRB ng 10 centavos are increase sa Southern Luzon na noon ay umaabot pa lamang sa P24.00 ang diesel kada litro pero ngayon ay umaabot na sa P46.
- Latest
- Trending