Duterte kinasuhan ng Ombudsman
MANILA, Philippines - Sinampahan ng tanggapan ng Ombudsman ng kasong kriminal si Davao City Vice Mayor Rodrigo Duterte kasama ang 11 nitong opisyal dahil sa illegal na paggamit ng pondo ng gobyerno noong siya pa ang punong opisyal dito.
Sa ipinalabas na resolusyon ng Ombudsman, nilabag umano ni Duterte at ng mga opisyal nito ang Republic Act 3019 – anti graft and corrupt practices act at ang Republic Act 5447 o ang batas na lumikha sa Special Education Fund nang illegal na kumuha ng P11,500.00 mula sa pondo nito.
Ginamit umano ni Duterte ang nasabing pondo sa kanyang ‘Pahalipay ni Mayor’ program kung saan nagpakain ito at namudmod ng mga kagamitan sa bahay, taliwas sa isinasaad ng batas.
Nabigo din umano ang panig ni Duterte na magpalabas ng dokumento na magpapatunay na konektado ang aktibidad sa mga programa ng Department of Education.
Bukod kay Duterte, sasampahan din ng paglabag sa seksyon 9 ng RA 5447, paglabag sa seksyon 3a ng RA 3019 at technical malversation sina Wendel E. Avisado, Gloria P. Labor, Maria Belen S. Acosta, April Marie C. Dayap, Rodrigo S. Riola, Florencio Colina, Alma A. Castillo, Gracita Camilo T. Berguia, Warlito M. Salido, Yolanda C. Tablizo, at Rizalina N. Justol.
- Latest
- Trending