Batang may autism dumarami
MANILA, Philippines - Ikinabahala ng Department of Education (DepEd) ang dumaraming bilang na mga batang isinisilang na may autism.
Sa rekord ng DepEd at Autism Society Philippines (ASP), nabatid na isa sa bawat 110 batang isinisilang sa araw-araw ay na-diagnosed na may Autism Spectrum Disorder.
Sa pagtaya ng DepEd at ASP, sa kabuuang 30 milyong bata sa bansa ay tinatayang nasa 300,000 sa mga ito ay Autism at 6,000 lamang ang naka-enroll o nag-aaral ngayon sa mga pampublikong paaralan.
Sa impormasyon na nakalap ng DepEd, ikinahihiya umano ng ibang mga magulang ang pagkakaroon nila ng anak na autistic kaya itinatago nila ito sa publiko at ipinagkakait ang edukasyon na dapat ay ibigay sa kanila.
Ang iba naman ay sadyang walang kakayahan para tustusan ang pag-aaral ng mga anak nilang may autism dahil na rin sa kahirapan sa buhay.
Ayon kay Grace Adviento, pangulo ng ASP, patuloy silang kumakatok sa ginintuang puso ng mga taong may kakayahan sa buhay na tulungan sila sa kanilang adbokasiya para itaguyod ang pag-aaral ng mga batang may autism.
Ang Globe Philippines ay una ng tumugon sa apila ng ASP, kung saan ay nakatakdang magbigay ng computer at broadband para sa learning software na tinawag na “Vizzle” ng mga batang autism na nag-aaral sa P. Gomez Elem. School sa Maynila at P. Villanueva Elem. School sa Pasay City.
- Latest
- Trending