Courtesy lane sa OFWs na pa-Taiwan binuksan ng SSS
MANILA, Philippines - Binuksan ng Social Security System (SSS) ang isang “courtesy lane” sa Diliman branch nito sa Quezon City upang mapabilis ang pagbibigay ng sertipikasyon sa mga miyembro na magta-trabaho sa Taiwan.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emilio de Quiros Jr., ang sertipikasyon ay magagamit ng mga SSS members na walang SSS ID para ma-comply nito ang mga requirements sa kanilang aplikasyon para sa pagkuha ng Taiwanese working visa.
Una nang inamyendahan ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Pilipinas ang labor visa requirements sa mga Pinoy noong Pebrero 9 at sa ilalim ng bagong alituntunin nito, ang isang aplikante ay kailangang magpakita ng SSS ID.
Ang SSS certifications ay kinikilala ng Department of Foreign Affairs para sa passport applications at identification purposes.
Matatandaang natigil ang paggawa ng ID ng SSS sa mga miyembro nito noong Abril 2010 dahil nasira ang card printing machines na kanilang ginagamit na nabili pa noong 1998.
- Latest
- Trending