Brillantes sa Comelec pigilin!
MANILA, Philippines - Umapela ang National Press Club kay Pangulong Noynoy Aquino na maging maingat sa pagpili ng itatalagang Comelec chairman, kasunod ng ulat na matunog umano ngayon ang pangalan ni Election Lawyer Sixto Brillantes na napipisil umano ng Malacañang kapalit ng magreretirong si Jose Melo.
Sa panayam kay NPC Vice President Marlon Purificacion, dapat mabahala ang lahat sa oras na mailuklok si Brillantes sa Comelec dahil kilala umano ito bilang “political operator” na una nang nagsilbi sa pamilyang Ampatuan na itinuturong utak sa Maguindanao massacre.
“We oppose his possible appointment because he is a lawyer of the Ampatuans and he is an election lawyer. As an election lawyer, you have a lot of clients. Kapag ikaw ay nasa Comelec na, sino ang makikinabang sa iyo kundi ang mga dati mong kliyente.” pahayag ni Purificacion.
Ipinaliwanag naman ng NPC na walang personalan sa kanilang pagtutol kay Brillantes sa Comelec. Gaya umano ng karamihan ay hangad ng grupo ng mga mamamahayag na mapanatili ang integridad ng komisyon na siya umanong may mabigat na papel sa pagpili ng mga magiging matataas na opisyal ng bansa.
“Brillantes could be appointed to any government post except Comelec,” giit pa nito.
Inihalimbawa pa ni Purificacion ang naging kontrobersiyal na political accommodation noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kay dating Comelec Chairman Benjamin Abalos na nagresulta para maisagawa ang “Hello, Garci” wiretapping scandal.
Sa oras na mailuklok umano si Brillantes ay hindi maiiwasan na magkaroon naman ng ‘Hello, Sixto” scandal.
Nilinaw pa ni Purificacion na hindi lamang ang appointment ni Brillantes sa Comelec ang kanilang tinututulan bagkus ang appointment sa poll body ng sinumang abogado na magmumula sa Brillantes’s law firm.
Aniya, dalawa pang commissioners ang mababakante ngayong taon at nangangamba sila na dahil malapit si Brillantes kay Pangulong Aquino ay magtalaga naman ng manggagaling sa law firm nito.
Una nang ibinunyag ni Justice Melo na tatlong personalidad ang pinagpipilian na pumalit sa kanya kabilang dito sina Brillantes, retired Supreme Court Associate Justice Leonardo Quisumbing at SC Associate Justice Antonio Eduardo Nachura.
Ang itatalagang bagong Comelec chairman ay pagsisilbihan ang unexpired term ni Melo hanggang 2015.
- Latest
- Trending