18 ‘maleta boys’ ginagamit ng destabilizer – Querubin
MANILA, Philippines — Ginagamit umano ng mga destabilizer laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tinaguriang 18 Maleta Boys upang magpakalat ng maling impormasyon kaugnay sa umano’y multi-bilyong kickbacks sa flood control program.
Ito ang pahayag ni retired Col. Ariel Querubin, dating opisyal ng Philippine Marines, na nagsabing naaawa siya sa grupo dahil nagagamit lamang sila at hindi iniisip ang posibleng kahihinatnan ng kanilang pagkalat ng tsismis.
Ayon sa rekord ng Philippine Navy, kabilang sa 18 ay tatlong retirado, tatlong peke o hindi tunay na nagserbisyo, at ilan na dishonorably discharged dahil sa iba’t ibang kaso.
“Nagpagamit kasi itong 18 Marites kay Atty. Levy Baligod, ang handler nila, kaya binabagyo sila ngayon ng kaso,” ani Querubin sa panayam.
Dagdag pa niya, kung totoo man ang P5 milyong suhol sa bawat isa, hindi pa rin ito sapat sa bigat ng mga kasong kakaharapin nila, kabilang ang cyber libel at perjury na may kaparusahan ng pagkakulong at multa. Sampung personalidad na ang naghain ng kaso laban sa kanila.
Kabilang sa nagsampa ng reklamo sina Reps. Gerville Luistro, Joel Chua, Bienvenido Abante Jr., Janette Garin, Julianne Baronda, Leila de Lima, dating Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Erwin Tulfo, at Fr. Flavie Villanueva.
Pinakahuli si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na humiling ng P25 milyong danyos bilang trial spokesperson.
- Latest























