San Juan City Hall nilusob ng pamilyang squatters
MANILA, Philippines – Nilusob ng mahigit sa 50 pamilyang squatters kasama ang mga militanteng grupo ang San Juan City Hall upang iprotesta ang nakatakdang demolisyon sa kanilang lugar sa darating na Enero ng susunod na taon.
Naging tensiyonado naman ang kilos-protesta ng higit sa 100 katao na naninirahan sa Brgy. Corazon de Jesus ng naturang lungsod makaraang magkatulakan ang mga raliyista at miyembro ng pulisya dakong alas-10 kahapon ng umaga.
Isang lalaki na bineberepika pa ng pulisya ang inaresto ng San Juan police makaraang magtangkang mang-agaw umano ng baril ng isa sa pulis na nagbabarikada laban sa mga raliyista.
Ayon kay Grace Cortez, hepe ng San Juan public information office, matagal nang naka-iskedyul ang demolisyon kung saan ibinigay lamang sa mga residente ang “notice to vacate” kamakalawa. Tinukoy nito na nasa 65 pamilya lamang ang apektado na nagtayo ng mga bahay sa paligid ng Pinaglabanan Shrine na itinuturing na ngayon na “national shrine”.
Tuluy-tuloy naman umano ang dayalogo sa mga residente. Nag-alok na rin ng pabahay ang pamahalaang lokal sa Calauang, Laguna na babayaran lamang nila ng P300 kada buwan habang magbibigay naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng “start-up money” para sa pag-uumpisa ng buhay nila sa bagong bahay.
Ipinaliwanag naman ni Cortez na noon pang panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada pinaaalis ang mga residente sa paligid ng Pinaglabanan Shrine kung saan marami na sa mga orihinal na pamilya ang lumipat sa Taytay Resettlement Area o mas kilala bilang Erap City sa Taytay, Rizal.
- Latest
- Trending