Unang Simbang Gabi payapa
MANILA, Philippines - Naging mapayapa ang unang Simbang Gabi makaraang walang maitalang malalaking krimen sa buong Metro Manila.
Ipinagmalaki ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Nicanor Bartolome ang maagang paghahanda ng pulisya sa mga lugar na pagdarausan ng Simbang Gabi sa pagpapakalat ng sapat na tauhan laban sa krimen.
Nagsagawa rin ng ocular inspection si Bartolome sa iba’t ibang simbahan upang matiyak ang kahandaan ng mga pulis. Umaasa umano siya na mapapanatili ang kapayapaan ng NCRPO hanggang sa sumapit ang Pasko at kahit na matapos ang taon.
Marami sa mga simbahan sa Metro Manila ang nagsagawa ng Simbang Gabi dakong alas-7 at alas-8 ng gabi habang ang iba naman ay ipinagdiwang ito dakong alas-4 at alas-5 ng madaling araw.
Sa Maynila, dinagsa ng mga deboto ng Itim na Nazareno ang Quiapo Church habang nagsagawa naman ng “fireworks” ang mga Tsinoy sa tapat ng Binondo Church.
Sa Pasig City, nakatutok ang mga tauhan ng Eastern Police District sa Immaculate Concepcion Cathedral.
Nagbabala naman si Quezon City Police Director, Chief Supt. Benjardi Mantele sa kanyang mga tauhan na tutulug-tulog sa trabaho. Ito’y makaraan na makatanggap ng ilang ulat na namataan ang kanyang mga pulis na tulog sa loob ng mga patrol cars.
Naging matiwasay rin naman ang Simbang Gabi sa Southern Police District (SPD) partikular na sa Baclaran Redemptorist Church na napaliligiran ng mga Muslim community at mga vendors na nagkalat sa mga kalsada.
- Latest
- Trending